Si Quezon, si Ninoy at ang Marines
PILANTIK Ni Dadong Matinik
Sunday, August 26, 2007

Kaarawan bukas ng mga bayani

Na sa ating bansa ay pawang nagsilbi;

Kabilang si Quezon dating presidente

Gayundin si Ninoy utak ay brilyante!

 

At di lamang sila Bayaning Huwaran

May mga sundalong naghandog ng buhay;

Sila nang patayin pawang pinugutan

Kaya ang lumuha ay pamilya’t bayan!

 

Noong presidente bayaning si Quezon

Katarungang sosyal kanyang pinayabong;

Si Ninoy Aquino bayani rin ngayon

Pagka’t nang umuwi bala’y sinalubong!

 

Itong mga Marines -– sundalo ng bansa

Doon sa Mindanao nagpakadakila;

Mga teroristang damdamin ay wala –

Patay nang sundalo’y lalong kinawawa!

 

Sila ay nasawi nang dahil sa bayan

Mga terorista’y sinikap labanan;

Asawa’t pamilya kanilang nilisan

Kanilang niyakap pati kamatayan!

 

Kalaban ni Quezon ay mga traidor

Kalaban ni Ninoy ay isang diktador;

Kalaban ng Marines ay mga tirador

Kayo ay bayaning sa baya’y nagtanggol!

 

Buwan ng Agosto’y buwan ng trahedya

Na nagpapalungkot sa mukha ng bansa;

Si Quezon at Ninoy ‘di na nag-iisa

Pagka’t itong Marines kasama na nila!

 

Kung dapat lumuha itong sambayanan

Maraming bayani na dapat iyakan;

Bantayog ni Quezon ay puso ng bayan

Bantayog ni Ninoy ay kadakilaan!

 

Bantayog ng Marines ay saan naroon?

Ito ba’y sa lupa na doo’y nag-ukol

Tapat na adhikang ang baya’y ibangon

Kahi’t walang ulo katawang nabaon?